Patay ang isang lalaki matapos masangkot sa banggaan ng dalawang motorsiklo sa kahabaan ng National Highway sa Brgy. Mayapa, Calamba City, Laguna bandang alas-11:50 ng gabi noong March 14, 2026.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Calamba City Police Station, kapwa galing sa Brgy. Canlubang ang dalawang motorsiklo at papunta sa Brgy. Paciano Rizal nang mangyari ang insidente. Ayon sa pulisya, aksidenteng nabangga ng isang motorsiklo ang likurang bahagi ng isa pang motorsiklo habang binabaybay ang national highway.
Dahil sa impact ng banggaan, nawalan ng balanse ang dalawang motorsiklo at tumilapon sa kalsada ang mga driver at pasahero, na nagresulta sa iba’t ibang pinsala.
Rumesponde naman ang mga ambulansya ng City Disaster Risk Reduction and Management Office at isinugod ang mga biktima sa JP Hospital sa Calamba City.
Ngunit idineklarang Dead on Arrival ang pasahero ng isa sa mga motorsiklo na kinilalang si Richard, 40-anyos.
Samantala, ang driver ng unang motorsiklo na si Lexter, 31-anyos, isang Joyride rider, at ang kanyang pasahero na si Jhester, 25-anyos, ay nagtamo ng mga sugat ngunit kalaunan ay pinayagan na ring makalabas ng ospital matapos mabigyan ng lunas.
Patuloy namang naka-confine sa ospital ang driver ng ikalawang motorsiklo na si Rafael, 22-anyos, para sa karagdagang obserbasyon.
Dinala naman sa isang funeral service ang labi ng nasawing pasahero para sa autopsy upang matukoy ang eksaktong sanhi ng kanyang pagkamatay.
Sa ngayon, patuloy pa ring iniimbestigahan ng pulisya sa insidente.