Isang lalaki ang nasawi habang isa pa ang sugatan matapos ang pamamaril sa loob ng isang eskinita sa Tropical Village, Brgy. San Francisco, General Trias City kahapon ng tanghali, March 19.
Ayon sa ulat ng pulisya, bandang ala-1:12 ng hapon nang mangyari ang insidente at rumesponde ang mga tauhan ng Sector 5 matapos makatanggap ng tawag mula sa BPAT. Pagdating sa lugar, natagpuan ang unang biktima na wala nang buhay, may tama ng bala sa ulo.
Sa inisyal na imbestigasyon, nilapitan umano ng mga suspek ang biktima habang ito ay naglalakad at saka binaril. Habang tumatakas, nakita ng mga suspek ang ikalawang biktima na nakasaksi sa krimen, kaya ito rin ay pinagbabaril at tinamaan sa balikat. Agad itong dinala sa ospital at kasalukuyang ginagamot.
Nakilala ang nasawing biktima bilang si Rod, habang ang sugatan ay si Jiian. Samantala, tinutugis na ng mga awtoridad ang dalawang suspek na kinilalang sina John at Wewe.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya habang isinasagawa ang hot pursuit operation laban sa mga suspek gayundin ang motibo sa krimen. | BChannel NEWS