Opens in a new tab
Skip to content
National

Pagkalugi ng hog industry, posibleng umabot sa P100-bilyon; DA, sinuspinde ang pork imports

Posibleng mas tumagal pa sa dalawang buwan ang suspensyon sa pag-aangkat ng imported na karneng baboy matapos ipatupad ng Department of Agriculture o DA ang 60-day restriction sa pork imports upang matulungan ang lokal na hog industry na makabangon sa pagkalugi.

Nilagdaan ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. nitong November 9 ang Department Order No. 33 na naglilimita sa pagpasok ng iba’t ibang fresh at frozen pork products, kabilang ang carcass, ham, shoulders at edible offal gaya ng atay.

Batay sa paunang imbestigasyon ng DA, lumala ang kompetisyon ng imported pork sa lokal na produksyon. Mula 39 percent noong 2021, umakyat sa 61 percent noong 2025 ang ratio ng imported pork kumpara sa domestic production, at pumalo pa sa 65 percent sa unang kalahati ng 2026.

Umabot naman sa 836,239 metric tons ang pork imports noong 2025, mas mataas ng halos 42 percent kumpara sa 589,674 metric tons noong 2023.

Kasabay nito, bumaba sa 54 percent ang self-sufficiency ng bansa sa baboy mula January hanggang August 2026, kumpara sa 74.3 percent noong 2021.

Ayon sa DA, umabot sa 121-thousand metric tons ang frozen pork inventory noong July, kung saan 94 percent nito ay imported. Dahil sa sobrang suplay, bumagsak ng 50 percent ang farmgate price ng baboy mula 240 pesos kada kilo tungong 120 pesos kada kilo sa unang kalahati ng taon.

Tinataya ng ahensya na umabot na sa 27.9 billion pesos ang lugi ng industriya, na posibleng madoble sa 55.8 billion pesos bago matapos ang taon kung magpapatuloy ang mababang presyo. Mas mataas naman ang pagtataya ng ilang industry groups na maaaring umabot sa 100 billion pesos ang kabuuang pagkalugi.

Samantala, ikinatuwa ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan ang hakbang ng DA, na aniya’y makatutulong sa mga lokal na hog raiser na mabawi ang kanilang puhunan at mapanatili ang kanilang kabuhayan.

Gayunman, iginiit niyang hindi dapat dito magtapos ang hakbang ng gobyerno at kailangang bantayan ang farmgate prices. Hinimok din niya ang DA na pag-aralan ang pagpapalawig ng restriction kung kinakailangan.

Suportado rin ng farmers’ group na Samahang Industriya ng Agrikultura o SINAG ang pansamantalang ban, pero iginiit na mahalaga ring ibalik ang dating tariff rates sa pork imports na 40 percent para sa out-quota at 30 percent para sa in-quota.

Ayon naman kay Tiu Laurel, bukas ang gobyerno sa pagpapalawig ng restriksyon, pero kailangang balansehin ang kapakanan ng mga lokal na producer, consumers at meat processors. | BChannel news