Pinapayuhan ng Malacañang ang mga ahensya ng gobyerno na panatilihing simple ang kanilang Christmas celebrations at magpatuloy sa pagtitipid ng pondo at iba pang resources, sa gitna ng mga hamong kinakaharap ng bansa.
Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro, nananatiling epektibo ang naunang austerity measures o patakaran sa pagtitipid, kaya hindi na kailangan ng panibagong kautusan mula sa Palasyo.
Mas dapat umanong bigyang-priyoridad ang mga pangangailangan ng publiko, lalo na sa paghahanda sa inaasahang epekto ng matinding El Niño at sa patuloy na krisis sa Middle East.
Kabilang sa mga tinutukan ng gobyerno ang suplay ng pagkain, tubig at enerhiya, gayundin ang pagtulong sa mga lugar na matinding naaapektuhan ng tagtuyot.
Ayon kay Castro, kabilang sa mga nakararanas ng epekto nito ang Cagayan Valley, partikular ang mga magsasaka. Namahagi na rin ang gobyerno ng mobile solar-powered irrigation pumps upang makatulong sa patubig ng mga sakahan.
Bukod dito, pinag-aaralan ding bigyan ng mas malawak na flexibility ang mga local government unit sa paggamit ng Local Government Support Fund o LGSF para sa kanilang paghahanda.
Tiniyak naman ng Palasyo na iaangkop ang tulong ng gobyerno depende sa tindi ng epekto ng El Niño sa bawat komunidad, bayan at probinsya.