Opens in a new tab
Skip to content
Entertainment

P-pop girl group member, iniimbestigahan ng LTO dahil sa delikadong paggamit ng cellphone habang nagmamaneho

Inatasan ng Land Transportation Office o LTO ang isang sikat na miyembro ng P-pop girl group na isuko ang kanyang driver’s license at sumailalim sa 90-day preventive suspension matapos masangkot sa isang insidente ng paggamit ng cellphone habang nagmamaneho.

Batay sa video at ebidensyang nakalap ng ahensya, makikitang nire-record ng personalidad ang sarili habang nagmamaneho. Nang mahulog ang cellphone, yumuko siya upang pulutin ito sa halip na huminto sa ligtas na lugar. Nakita rin siyang gumagamit ng dalawang kamay sa paghawak ng cellphone habang umaandar ang sasakyan.

Sa direktiba ni LTO Chief Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, inisyuhan siya ng Show Cause Order at inaatasang humarap sa Intelligence and Investigation Division ng LTO Central Office sa East Avenue, Quezon City sa November 20, 2026, upang magsumite ng sinumpaang paliwanag at supporting documents.

Kabilang sa mga posibleng paglabag ang Republic Act 10913 o Anti-Distracted Driving Act, Reckless Driving, at Improper Person to Operate a Motor Vehicle, na maaaring maging batayan sa pagsuspinde o pagbawi ng kanyang lisensya.

Ayon kay Lacanilao, walang pinipili ang pagpapatupad ng batas-trapiko, sikat man o hindi ang isang motorista. Muling pinaalalahanan ng LTO ang publiko na ituon ang buong atensyon sa pagmamaneho upang maiwasan ang aksidente.

Samantala, personal nang nagtungo sa LTO si BINI Mikha Lim nitong Miyerkules ng hapon, November 11, matapos siyang padalhan ng Show Cause Order dahil sa viral video ng paggamit ng cellphone habang nagmamaneho.